Ika-23 ng Marso, 2022 – Opisyal nang pumirma ng pormal na kasunduan ang Bauertek Corp. at Mariano Marcos State University para sa mas malawak na produksiyon ng mga halamang gamot sa bansa. 

Sa pangunguna nina Bauertek Corp. General Manager Richard Nixon Gomez at MMSU President Shirley Agrupis kasama ang tagapangulo ng CHED na si Prospero De Vera III, isinagawa ang seremonya sa bulwagan ng Teatro Ilocandia sa Ilocos Norte. Kasabay nito, nagkaroon ng Soft Launching ang pagtatayo ng Herbal Processing Facility at natunghayan din ang Groundbreaking Ceremony sa lugar ng Lubbot, Ilocos Norte. 

Layunin ng proyektong ito na magkaroon ng tulay ang nakararami sa mas ligtas at abot-kayang medisina, gayundin ang pagpapalawak sa pag-aaral ng mga halamang pang medisina. Ang Bauertek Corp. ang mangunguna sa produksiyon ng mga gamot, habang sa MMSU magmumula ang ani ng mga halamang gamot. 

Magbibigay naman ng karagdagang makinarya ang Department of Agriculture – Bureau of Agricultural Research sa MMSU para sa pasilidad. Pagtutulungan ng mga dalubhasa na mas mapataas ang kalidad ng pagtubo ng mga halaman sa kanilang malawak na taniman sa lalawigan ng Ilocos Norte. 

Sa pamamagitan ng proyektong ito, magkakaroon ng karagdagang hanapbuhay ang mga lokal na magsasaka.